Ngayong panahon ng ECQ, maraming negosyo ang naapektuhan at mga kababayan na pansamantalang huminto sa kanilang mga trabaho. Dahil kailangan muna nilang mamalagi sa kanilang mga tahanan.
Ang pangyayaring ito ay talagang nagdulot ng maraming katanungan at pangamba. Paano na ang kanilang kabuhayan? Saan sila kukuha ng pambili ng kanilang pangangailangan kung wala silang trabaho? Paano na ang mga bayarin tulad ng kuryente, tubig, renta sa bahay, at iba pa? Paano na kaya?
Ang mga katanungang ito ang patuloy na tumatakbo sa aking isipan. Sa mga katanungan ding ito ako nakapag-reflect at ito ang aking mga natutunan.
1. Matutong magtipid ng pera
Ngayong panahon na ito, kailangan natin ng ibayong pagtitipid. Dahil patuloy ang pagtaas ng
presyo ng mga bilihin at serbisyo. Kailangan nating isantabi muna ang mga luho at mas
paglaanan ng pera ang mga pangunahing pangangailangan. Sa tuwing may nais tayong bilhin,
tanungin muna ang sarili: “Kailangan ko ba talaga ito o ito’y isang luho lamang?”
2. Matutong pahalagahan ang mga bagay na mayroon ka
‘Malalaman mo lang na mahalaga ang isang bagay kapag wala na ito’. Siguradong madalas mo
itong naririnig. Matuto tayong pahalagahan ang mga bagay na meron tayo sa ngayon katulad
ng trabaho, maayos na kalusugan, pagkain, pamilya, kaibigan at iba pa. Dahil ito ay maaring
panandalian lamang at ang iba sa atin ay salat.
3. Matutong magpasalamat sa mga biyaya
Ang mga bagay na meron tayo ngayon ay biyaya mula sa Maykapal. Dapat natin itong
ipagpasalamat. Ang pagpapasalamat ay isang paraan upang tayo ay maging positibo sa buhay.
Kapag lagi tayong nagpapasalamat, naitataboy natin ang mga negatibong kaisipan kaya mas
lumiliit ang tsansa na tayo’y maging materyalistiko at makapag-isip na magkamal ng higit pa.
4. Matutong magbigay sa kapwa
Kapag tayo’y may sobra at ang iba’y salat, dapat matuto tayong magbahagi. Ang pagbibigay sa
iba ay pagpapakita ng malasakit. Kapag tayo’y nagbibigay, natutulungan din natin ang ating
sarili. Sapagkat, dito natin nadarama ang kasiyahan at pagalang. Sa kabilang banda, kapag ikaw
ay nagbigay sa iba, malamang na may magbigay din sa’yo. Chain reaction lang.
5. Matutong mag-ipon
Ngayong panahon ng ECQ, natutunan ko kung gaano kahalaga ang pag-iipon. Ang pag-iipon ay
dapat palang ugaliin ng bawat isa sa atin. Ang paglalaan ng maliit o malaking porsyento ng
ating sahod sa pag-iipon ay mahalaga. Dahil malaki ang maitutulong nito lalo na sa panahon
ng kagipitan. Ayon nga sa kasabihan, “Kapag may isinuksok, may madudukot”.